Sunday, January 27, 2013

Rank 5: Sis-Sis-Ki


 Award: ‘Ang laro ni Lastikman’ award

Reflection:
            Ito ay isa sa mga laro na kahit hindi ka masyadong gumagalaw ay nakakapagod pa rin sa huli. Ang objective nung game ay ilayo ang ankle mo sa kalaban mo habang tinatarget mo ang ankle ng kalaban. Kaya naman, umaatake ka na, kailangan pa ring maging alisto at dumepensa.
            Kung hindi ako nagkakamali, ang katapat ko nun ay Lhem. Tuwing nakadefense mode siya, saka ako umaatake pero pag-umatake na siya, napapaatras na ako. Kaya naman hindi maiwasan na magasgas o masugatan ang tuhod mo. Ang tanging napapakinggan ko na lang nun ay ang mabilis na pagbibilang ng mga teammate ko (1,2,3,4,5,6,7,...42) dahil sa maaari kang makakuha ng unlimited score.
            Sa pangalawang round naman, magiging kakampi mo na ang katabi mo, ganun din sa mga kalaban. Kumbaga, ito ay isang 3VS3 match na. Ang katabi ko nun ay si Mark at Kernell, kaya naman pinagtulungan naman si Lhem sa kabilang team. Nakaipon ako nun ng halos 50 points. Pero habang umaatake kami, may pumupunterya rin mula sa kabilang team as we left our ankle unguarded. Kaya naman, iginalaw ko ang paa at a different angle na ang feeling ay parang humahaba ang paa ko para lang hindi maabot ng kalaban. May pakiramdam pa ngang kahit yung hinlalaki at hinliliit mo sa paa ay naka-stretch out na. Kaya naman ang ibinigay kong award dito ay ‘Ang laro ni Lastikman’ award.
            P.S. kami nga pala ang nanalo dito. Haha. Parang sa lahat ng team event, dito lang ako nanalo.

Variation: Sa halip na stationary lang sa pwesto, pwedeng lumipat sa ibang pwesto para umatake o tulungan ang kagrupo pero dapat nakaluhod pa rin habang lumilipat.

Varsity Player: Para sa larong ito, ako ang MVP. Haha. Dahil isa naman ako sa highest scorers sa team namin at nag-effort talaga ako dito kahit na sa huli ay puro galos at alikabok na ang tuhod ko.





Rank 4: Basket na May Prutas


Award: ‘Sabaw ang lahat’ award


Reflection:
            Hindi pa naman hell week noong nilaro namin ito, pero lahat talaga kami ay sobrang sabaw noong araw na yun. Habang nag-wowork na yung game sa kabilang team, kami naman parang nasa recovery stage pa na parang katatapos lang namin kumuha ng limang exams sa major subjects noon. Kung hindi sobrang slow, sobrang na-eexcite naman ang karamihan sa amin kabilang na ako.
            Ang objective ng game, kailangang tumakbo yung nasa unahan o nasa hulihan papunta sa ibang basket para hindi mataya. Simple lang siya kung papakinggan pero once na nilaro na, hindi na magkaintindihan ang lahat kung tatakbo ba o hindi.
            Sa halip na tumakbo ang isa sa mga nasa dulo, minsan napapatakbo parehas kaya naman hindi alam nung taya kung sino ang tatayain. Pero hindi lang yun, minsan yung mga prutas (tao) sa isang basket magtatakbuhan lahat na para bang nangangain ang taya. May punto rin sa laro na patuloy na lumilipat sa ibang basket tapos marerealize ng lahat na wala palang taya dahil nasa basket na rin. Sobrang sabaw lang talaga.
            Dahil sa variation na panyo, lalong tumindi ang laro pati na rin siguro ang kasabawan naming lahat. Minsan ihahagis na lang sa iyo ang panyo, tapos wala kang magagawa kundi sumigaw sabay takbo. Nararamdaman ko nga na ang iba nagdadasal na lang na huwag mapapunta ang panyo sa kanila. Ang iba naman, dahil sa sobrang pagkabigla, matutula na lang at hindi na makatakbo kaya naman effortlessly maaabot siya ng taya.

Variation: Sa halip na lumipat sa mga katabing basket, dapat lumipat siya sa basket na 3 o higit pang basket ang layo sa pinagmulan niya. O di kaya ay sa halip na patakbo ay kailangang mag-hop ng players na lumilipat ng pwesto.

Varsity Player:  Ang award na ‘Isigaw mo lang yan’ award ay ibibigay ko kina (drum roll) Melanie at Anne dahil sa tuwing napupunta sa basket nila yung additional na tao o prutas, walang humpay na tili na lang ang mapapakinggan mo sa kanila habang tumatakbo.


Rank 3: Berong-berong

Award: ‘Run for your life’ award
Reflection:
            Simple lang naman ang goal ng game na ito, ang makataya ng mga kalaro. Pero sa halip na ipasa ang pagiging taya, ang mga nataya ay magtutulungan para ma-trap at mataya ang iba pa sa pamamagitan ng paghahawak ng kamay. Pero dahil sa takbuhan ito, hindi na nakakapagtakang magtatapos ito ng hinihingal at pagod na pagod kami.
            Kung ako ang tatanungin mas gusto kong mataya sa bandang pahuli. Kapag ikaw ang hinahabol, may konting segundo ka pa para magpahinga, pero kapag nataya ka kaagad, wala kang choice kundi tumakbo ng tumakbo para habulin ang iba pang players. Minsan may tendency pang nakakaladkad ka na para lang mataya ang ibang players. Ganito ka-wild at ka-exhausting ang larong ito.
            Pero lalong tumindi ang larong ito noong round 2 na kung saan tuwing makakabuo ng 6 na taong magkakahawak ng kamay, maaari na silang humiwalay ay manghabol ng ibang players. Sa madaling salita, ang dating dalawang kamay na iniiwasan mo, dumami na! Kaya naman ang ibinigay kong award dito ay ‘Run for your life’ award. Ito yung karaniwan kong napapanood sa mga suspense-thriller / horror movies kung saan yung alien o zombies ay nag-reregenerate. And the only thing you can do is to run for your life. Naks!
            Kung hindi ako nagkakamali, dito nangyari yung matinding collission sa dalawa naming kaklase habang umiiwas sa mga taya. Dito rin siguro yung natanggal ang salamin ni Mawel pero sinubukan pa rin niyang tumakbo, pero sa huli tumawag siya ng timeout dahil wala na siyang makita.

Variation: Walang powers ang mga hindi pa natataya kundi umiwas lang. Kaya para sa variation, may kapangyarihan silang iligtas ang mga tayang nasa gitna sa pamamagitan ng pag-tap at habang umiiwas pa rin sa mga tayang nasa magkabilang-dulo.

Varsity Player: Si Mawel ang MVP para sa larong ito dahil patuloy pa rin siya sa pag-iwas kahit di na niya makita ang mga taya. 

Rank 2: May I Touch Your Hand


Award: ‘Hindi lang pampamilya, pang-isports pa’ Award

Reflection:
            Ito ang nag-iisang larong alam ko na may malateleseryeng kwento na umiikot sa wagas pagmamahalan ng dalawang tao handang suungin ang anumang pagsubok. In other words, ito ang kauna-unahang GAME-SERYE (Game na, Teleserye pa) sa kasaysayan ng Pilipinas.
            ACLE noon nung nilaro namin ito sa klase kaya naman parang lampas lang ng konti sa kalahati kaming magkakaklase noon. Pero dahil sa ROCK-ON na game na ito, sulit ang buong hapon ko. Pero walang mas susulit pa sa hapon ni Bret. Noong una, nagsayaw siya ng Ora Ora Comanching na para bang bagong dance craze ng bansa. Tapos dahil sa larong ito, nahanap niya ng soulmate niya, si Hazel. Mas naging entertaining pa ang larong ito dahil sa pang-uulit naming lahat sa bagong loveteam sa klase, Bret-zel.
            Habang tumatagal lalo pang nagiging intense yung laro. Nahila ka rito tapos mahihila ka naman sa kabila. Pero wala nang mas i-intense pa tuwing nakikita ko si Pau na nag-slide back dahil kina Lhem at Edward habang patuloy paring inaabot ang kamay ni Johnny. Kitang-kita mo talaga ang struggle niya.
            Simple lang yung game, walang materials na kailangan pero wagas talaga sa pagka-rock on.  Sa huli natalo kaming mga humahadlang, iba talaga ang nagagawa ng pag-ibig. Anyway, saludo ako sa nakaisip sa larong ito. Ang laki tuloy ng pressure para sa invented game.

Variation: Yung nasa labas ng bilog ay pwede nang pumasok sa loob ng bilog. Kaya naman dagdag challenge ito sa mga humaharang na pigilan makapasok. Pero kailangang makapasok rin siya sa inner circle at doon pa lang sila pwedeng mag-holding hands.

Varsity Player: Para sa larong ito, ang MVP ko ay si Pau. Ang award na ibibigay ko ay ‘Reach out as far as you can’ award dahil kitang-kita mo talaga yung struggle niyang mahawakan ang kamay ni Johnny kahit sa bawat attempt niya nakakaladkad lang siya paatras. 

Rank 1 : BIHAGAN



Award: 'Ang unang pagbagsak sa klase’ award

Reflection:
      Kinalakihan ko nang nilalaro ang larong ito pero sobrang wild lang ngayon dahil halos dalawampung katao ang kalaban mo. Ang ibinibigay kong award dito ay ‘Ang unang pagbagsak sa klase’ award dahil ito ang unang beses akong bumagsak – hindi sa exam kundi sa sahig.
        Sa aking natatandaan, yung grupo namin ang underdog sa larong yun. Dahil sa kabilang grupo, nandun si Ma’am Grecia, si Fads at lahat ng competitive at malalakas naming kaklase. Ang target talaga namin dun ay makuha at gawing bihag si Ma’am Grecia pero kahit anong gawin namin sobrang lakas lang talaga niya at dagdag pa doon maraming nakapalibot sa kanya na nasa defense mode para protektahan siya na para bang she’s the team’s most precious asset.
       Katapat ko noon si Fads na kalaban namin. Noong una, naghahamunan lang kami pero bigla akong nahila. Tapos hinila naman ako ng mga kagrupo ko para i-save. Kaya naman ang naging ending, bumagsak ako sa sahig. Pero ewan ko ba pero hindi ako nasaktan nun, siguro sa sobrang saya lang ng game.
      Sa mga sumunod na rematch, mas lalong naging intense ang atmosphere. May naghihilahan sa kabila, may naghihilahan sa kabilang dulo. Yung grupo namin, hindi na magkaintindihan kung saan pupunta. May point ngang, paatras na lang kami ng paatras habang umaabante ang mga kalaban namin na nasa game face mode lahat.
      Sa sobrang rock-on ng game parang nakailang rematch kami para malaman kung sino ang panalo. Pero sa huli, kami ang natalo.

Variation: Para sa variation ng bihagan, sa halip na dalawang kamay ang gamitin, isang kamay na lang. Tapos ubusan ng lahi na bawat taong nagiging bihag ay magiging part na ng group na yun para manghila ng iba hanggang sa wala nang matira sa kalabang grupo.

Varsity Player: Ang ‘Lakas mo, dude’ award ay ibibigay ko kay Fads at Kernell. Kay Fads dahil siya ang humila sa akin. At kay Kernell na kahit patpatin ay sumugod siya sa likod at itunulak pa si Fiel papunta sa base nila.